INAPRUBAHAN na kahapon ng Senate committee on justice and human rights ang dalawang panukala na nagkakaloob ng Filipino citizenship kay Barangay Ginebra import Justin Brownlee.
Aprubado na sa Senate panel na pinamumunuan ni Senador Francis Tolentino ang Senate Bills No. 1336 at 1516 na naglalayong i-naturalize ang 34-year-old basketball player na isinilang sa Georgia, United States.
Ang kaganapan ay sa gitna ng pagnanais ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na gamitin ang five-time PBA champion at two-time PBA best import bilang naturalized player para sa Gilas Pilipinas simula sa sixth window ng FIBA World Cup Asian qualifiers sa February 2023.
Iginiit ni Brownlee, humarap sa Senado na naka-Barong Tagalog, ang kanyang pagmamahal para sa mga mamamayang Pilipino at sa kultura na nagpaalab sa kanyang hangaring maging citizen ng Pilipinas.
Upang bigyang-diin ang kanyang kahandaan, sinabi niya na nakahanda siyang umanib sa military reserve force upang lumahok sa anumang disaster, calamity, rescue operations sa panahon ng bagyo. Nakahanda rin siyang sumali sa Philippine Army reserve force.
“Coming here in 2016 and just right off the bat receiving so much love and admiration from the fans it was just really I couldn’t believe it. It was overwhelming. Just wearing that flag it seems like it allows me to give back to the people, the fans and that’s something I just want to try to do whether it can be inspiration or motivation or winning games or practicing with the team whatever it is all the love that I receive I just want to give it back,” sabi ni Brownlee.
Ayon kay Tolentino, ang bill ay inaasahang aaprubahan ng Senado sa Disyembre.
Noong nakaraang linggo ay inaprubahan ng Kamara sa first reading ang counterpart measure, na target din nilang ipasa bago mag-break ang Kongreso sa Disyembre.