NATUTUHAN SA TESDA IBINABAHAGI SA MGA KABATAAN

LAHAT ng natutuhan sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay kanyang ibinabalik at ibinabahagi sa mara­ming kabataan na gusto ring sundan ang kanyang yapak para matupad ang kanilang pangarap sa buhay.

Danver Reyes
Danver S. Reyes

Ito ang paglalahad ni Danver S. Reyes, isang technical vocational education and training (TVET) graduate sa kursong Audio and TV Servicing at kasalukuyang trainer ng TESDA registered courses sa iba’t ibang institusyon sa kanilang lugar sa San Pablo City, Laguna.

Ang kanyang istorya sa pagpursige ay napabilang sa Top 10 Finalists sa Individual Category ng Tatak TESDA Video Making Contest noong 2015.

High school pa lamang si Danver ay interesado na siya sa electronics, kaya minabuti niyang pumasok tuwing Sabado sa isang non-formal learning center na malapit sa kanilang pampublikong paaralan na pinamamahalaan ng TESDA.

Noong 1998 ay natapos niya ang kanyang training sa Audio and TV Servicing na nagbigay ng inspirasyon upang mag-aral ng kursong Bachelor of Science in Information Technology (BSIT) sa kolehiyo sa San Pablo National School na ngayon ay kilala bilang Laguna State Polytechnical University (LSPU).

Nakitaan siya ng kanyang guro na si Sir Darwin Ofrin na may potensiyal para isali sa TESDA Youth Skills Competition na siyang competition ng skilled students mula sa iba’t ibang technical vocational (tech-voc) schools.

“Una kong sinalihan ang 1998 Provincial Skills Competition.  Doon ko nakamit ang una kong gold medal,” pahayag ni Danver.

Sa 1999 Regional Skills Competition bilang kinatawan ng TESDA Region IV-A, muli, gold ang kanyang nakamit.  Kasunod nito ang Philippine National Skills Competition noong Agosto 21-28, 1999 na ginanap sa Subic Bay, Zambales kung saan kapuwa gold medal ang kanyang nakuha.

Hindi lang sa loob ng bansa ang sinalihan nitong kompetisyon dahil isa siya sa mga ipinadalang kinatawan sa ASEAN Skills Competition na ginanap sa Bangkok, Thailand noong Marso 16-18, 2001.

Dahil sa TESDA training at sa pagsali sa mga kompetisyon, nakilala si Danver sa kanilang lugar na isa sa mga mahuhusay sa pagre-repair ng mga electronic products, kaya ang kinikita niya rito ay pinangtutustos niya para maipagpatuloy ang kanyang kursong BSIT at pantulong na rin sa kanyang mga magulang at pag-aaral ng kanyang mga kapatid.

Naging trainer siya sa iba’t ibang institution gaya ng Capellan Institute of Technology at iba pang private institutions sa San Pablo City at patuloy rin ang kanyang pagbabahagi ng kanyang mga kaalaman upang matulu­ngan ang mga out-of-school youth.

Bukod sa kursong Electronics, patuloy pa rin siya sa pagsasanay tulad sa Computer Hardware Servicing NC ll at Mechatronic Servicing NC ll, at kalauna’y nakamit nya ang National TVET Trainer Certification Level l sa Consumer Electronics Servicing NC ll.

Matapos ang Tatak TESDA Video Making Contest, marami ang nabago sa buhay ni Danver, binigyan siya ng permanent item sa pagiging Instructor/Trainer sa isang public institution. Hinirang siyang kinatawan ng Region IV-A bilang TVET Career Ambassador noong 2015-2016 na ang layunin ay magbigay ng mga inspirational talks sa mga kabataan upang malaman ang kahalagahan ng vocational training na siyang maaaring maging daan upang umunlad at umasenso sa buhay.

Natupad din ang kanyang dating pinapangarap na makapagpatayo ng isang training center at ito’y pinangalanan na “The Big Five Training and Assessment Center, Inc.” na itinatag ngayong taon lamang.

Payo nito sa mga kabataan na gustong magtapos ng pag-aaral na samantalahin ang maraming free training programs ngayon lalo na sa mga pampublikong paaralan. Marami ring scholarship grants ang TESDA sa mga private training institutions na maaaring maging susi upang makapagtapos ng kolehiyo at sa pag-unlad sa buhay.

“Highly recommended ko po ang pagkuha ng mga tech-voc courses dahil sa tech-voc, skills ang pinag-tutuunan ng pansin upang madaling makaha­nap at matanggap sa trabaho hindi lang dito sa Filipinas, kundi pati na rin sa ibang bansa. Ito ri’y maaaring maging daan upang makapagtayo ng isang negosyo,” pagwawakas ni Danver.

Comments are closed.