NBA: GRIZZLIES VS BLAZERS SA PLAY-IN

portland vs nets

NAGBUHOS si Damian Lillard ng 42 points, 12 mula sa dikit na fourth quarter, nang maungusan ng Portland Trailblazers ang Brooklyn Nets, 134-133, kahapon upang umabante sa play-in round.

Bunga nito, sibak na ang Phoenix Suns, na uuwi sa kabila ng 8-0 record sa Disney.

Ang 8th- at 9th-place finishers sa  West—Portland at Memphis, ayon sa pagkakasunod — ay magsasagupa sa1- o 2-game play-in series sa Sabado, at kung kinakailangan ay sa Linggo (US time).

Kailangan lamang ng Blazers na manalo ng isang beses, habang ang Grizzlies ay dalawa. Ang magwawagi sa play-in ay makakaharap ng top-seeded Los Angeles Lakers sa traditional first round ng  playoffs.

Matapos na itabla ng basket ni Joe Harris ang talaan sa 130 sa huling dalawang minuto, gumanti sina Jusuf Nurkic at CJ McCollum upang bigyan ang Portland ng 134-130 kalamangan, may 53.4 segundo ang nalalabi.

Nagdagdag si Lillard ng 12 assists at  8 3-pointers, gumawa si CJ McCollum ng 25 points bagama’t nagmintis sa lahat ng 6 attempts sa 3-point area, at nagdagdag si Jusuf Nurkic ng 22 points at 10 rebounds.

Tumapos si Caris LeVert na may 37 points at  9 assists, at umiskor sina Joe Harris at Timothe Luwawu-Cabarrot ng tig-19 para sa Brooklyn, na makakabangga ang Toronto sa East 1st round.

Samantala, nasibak ang San Antonio, ang fourth team na nagtatangkang pumasok sa playoffs, kasunod ng mga panalo ng Memphis at  Phoenix.

Yumuko ang Spurs sa Jazz, 118-112, sa kanilang final regular season game.

Sa iba pang laro, ginapi ng Orlando ang sibak nang New Orleans 133-127.

Makakasagupa ng Orlando ang East top seed Milwaukee sa playoffs 1st round.

Comments are closed.