NAITAKAS ng Utah Jazz ang 101-99 panalo laban sa Miami Heat sa isang scrimmage sa Walt Disney World Complex sa Orlando, Florida noong Sabado (Linggo sa Manila).
Naging dikit ang laban, tampok ang walong deadlocks at 16 lead changes. Sumablay si Solomon Hill ng Miami sa isang three-point attempt sa buzzer na nagbigay sana ng panalo para sa Heat.
Umiskor si Rudy Gobert ng 21 points, kumalawit ng walong rebounds at kumana ng dalawang blocks upang pangunahan ang Jazz. Nagdagdag si Jordan Clarkson mula sa bench ng 17 points, 4 rebounds, 2 assists, at 2 steals.
Nanguna si Kelly Olynyk para sa Heat na may 27 points at 8 boards.
Sa isa pang scrimmage, pinadapa ng league-leading Milwaukee Bucks ang Sacramento Kings, 131-123.
Umabante ang Milwaukee ng hanggang 29 points, subalit nakalapit ang Kings sa second half bago bumigay.
Nagbida sina Kyle Korver (22 points) at Brook Lopez (21 points) sa scoring para sa Bucks. Naglaro si reigning MVP Giannis Antetokounmpo nang wala pang 16 minuto at tumapos na may 15 points, 9 rebounds, at 6 assists.
Kumamada si Buddy Hield mula sa bench ng team-high 19 points para sa Kings.
Comments are closed.