UMANGAT ang San Beda University sa solo fourth sa NCAA Season 95 women’s volleyball tournament makaraang magaan na dispatsahin ang Emilio Aguinaldo College (EAC) kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Pinangunahan nina Cesca Racraquin at Nieza Viray ang 25-15, 25-16, 27-25 panalo ng Lady Red Spikers na pumutol sa kanilang two-game slide at nagpanatili sa kanila sa kontensiyon para sa isang puwesto sa ‘Final 4’.
Tumapos si Racraquin na may 22 points sa 18 kills at 3 aces, bukod sa 7 receptions at 9 digs. Nag-ambag si Viray ng 13 points.
“I’m happy na na-break ‘yung slump and hopefully, tuloy-tuloy na,” ani Racraquin.
Kumana si Viray ng match-clinching kill na tumapos sa extended third frame, habang tumirada si Kim Manzano ng dalawang blocks upang tumapos na may 7 points para sa Lady Red Spikers.
Sa kanilang ika-4 na panalo sa anim na laro, ang San Beda ay kalahating laro ang angat sa walang larong Colegio de San Juan de Letran (3-2) sa karera para sa huling semifinals spot.
Ang Lady Red Spikers ay nakadikit din sa University Perpetual Help at defending champion Arellano University na kapwa may 5-1 records sa ikalawang puwesto.
Sa iba pang laro ay nanatili ang Jose Rizal University (JRU) sa karera para sa isang Final 4 spot nang gapiin ang Mapua University.
Comments are closed.