DALAWANG bigating laro ang magbubukas sa pinakaaabangang pagbabalik ng aksiyon sa women’s volleyball sa NCAA Season 97 sa Sabado sa Paco Arena.
Sisimulan ng Arellano University ang kanilang kampanya para sa ‘four-peat‘ sa pagsagupa sa Mapua University sa opening salvo sa alas-12 ng tanghali bago tapusin ng De La Salle-College of Saint Benilde at San Beda University ang double-header sa alas-2:30 ng hapon.
Nakatutok ang lahat kapwa sa Arellano at Benilde dahil ang dalawang eskuwelahan na ito lamang ang naghari sa torneo sa nakalipas na limang torneo.
Nakopo ng Arellano ang kanilang maiden title sa Season 90 nang maungusan ng koponan sa pangunguna nina Danna Henson at Menchie Tubiera ang powerhouse San Sebastian-College sa finals habang nagwagi ang CSB sa kumpetisyon sa sumunod na taon.
Bumawi ang Arellano sa sumunod na tatlong seasons, at kinuha ang korona sa Seasons 92, 93, at 94 at lumapit sa pambihirang four-straight crown subalit dahil sa pandemya ay napilitan ang liga na kanselahin ang Season 95 noong 2020.
Ngayon ay muling magsisimula ang koponan na gagabayan ni Obet Javier at pangungunahan nina Princess Bello at team captain Carla Donato.
Sasandal naman ang CSB sa duo nina Mycha Go at Gayle Pascual sa ilalim pa rin ni veteran mentor Jerry Yee sa kanilang pagharap sa San Beda na pangungunahan ni team captain Justine Lapid.