NCRPO AT DOH NAGSANIB PUWERSA VS COVID-19

Debold Sinas

MAYNILA – IPINAHAYAG ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Police Major General Debold Sinas na sila ay naki­pagsanib puwersa na sa Department of Health (DOH) sa pagkontrol ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19)  kasunod nang dekla­rasyon ng Code Red Alert.

Sa pagbisita ni Sinas kay DOH Secretary Franscisco Duque III ay nagkasundo ang dalawang ahensiya kung saan ay magsisilbing first responders ang mga pulis sa pagtugon sa kaso ng COVID-19 na rito ay may nakahanda nang Quick Reponse Team (QRT) ang NCRPO.

Ang QRT NCRPO ay binubuo ng nurses, mga doktor, may sari­ling behikulo na handa sa anumang oras ng deployment at may expert police personnel na sasanayin sa pagsusuri kasama ng mga tauhan mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Bukod sa QRT NCRPO ay nagtalaga rin si Sinas ng NCRPO COVID-19 hotlines na maaaring tawagan gaya ng mga sumusunod: Regional Headquarters – 09562817917; Eastern Police District – 09663151588; Manila Police District – 09065982671; Northern Police District – 09171364073; Que­zon City Police District – 09959540408 at Southern Police District – 09053717275.

Sinabi rin ni Sinas na sisikapin ng NCRPO na makatulong  laban sa pagkalat ng COVID-19 at titiyakin niya na may sapat na kaalaman ang mamamayan hinggil sa virus.

Kaugnay nito ay sinabi rin ni Sinas na bumabalangkas na sila ng guidelines kung ano ang gagawing pag-iingat hanggang sa lebel ng pamilya.

Inanunsiyo ni Sinas na kanselado na ang pag-aaral at biyahe sa ibang bansa ng mga pulis lalo na at hindi naman emergency. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.