DEAD on the spot ang isang 30-anyos na negosyante matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi pa kilalang lalaki na sakay ng isang motorsiklo sa Navotas City kamakalawa ng hapon.
Ang biktima na agad na binawian ng buhay sanhi ng tama ng bala sa batok ay si Manolito Falconete, fish dealer, ng Miramonte Heights, Upper Little Baguio, Camarin, Caloocan City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-3:20 ng hapon, minamaneho ng biktima ang kanyang L-300 van (UGP-239), palabas ng Navotas Fish Port Complex sa North Bay Boulevard South (NBBS) Proper nang harangin ito ng riding-in-tandem na mga suspek malapit sa gate ng fishport.
Naglabas ng baril ang back rider at malapitang binaril sa batok ang biktima bago mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksiyon at iniwan na walang sugat ang mga helper ni Falconete na sina Russel Jengzon, 27 at ang kanyang pinsan na si Albin Jengzon Lara, 23, na sakay rin ng naturang sasakyan.
Ipinag-utos na ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas sa kanyang mga tauhan ang follow-up operation para sa posibleng pagka-kakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa insidente. EVELYN GARCIA
Comments are closed.