NAISALPAK ni Joe Harris ang tiebreaking 3-pointer, may 84 segundo ang nalalabi, at pinalakas ng bumibisitang Brooklyn Nets ang kanilang playoff chances sa pamamagitan ng dramatikong 133-128 panalo laban sa league-leading Milwaukee Bucks.
Si Harris ay kabilang sa walong players na nagtala ng double figures para sa Brooklyn, at ang kanyang final points ang bumasag sa 128-128 deadlock.
May 1:28 ang nalalabi, nagmintis si D’Angelo Russell sa off-balance jumper sa lane, subalit nakuha ni Jared Dudley ang rebound at natapik ito kay Caris LeVert sa top of the key.
Mabilis na ipinasa ni LeVert ang bola kay Harris, na pinakawalan ang uncontested 3-pointer mula sa right wing.
Matapos na maipasok ni Harris ang kanyang clutch shot, sumablay si Milwaukee’s Sterling Brown sa dalawang free throws, may 1:15 ang nalalabi, at nakuha ni Dudley ang rebound.
Ang panalo ay naglagay sa Nets (40-40) sa sixth place sa Eastern Conference. Bagama’t magkapareho sila ng record ng Orlando Magic, tangan ng Nets ang head-to-head tiebreaker.
Umangat din ang Brooklyn ng kalahating laro sa eighth-place Detroit Pistons, kung saan tangan din ng Nets ang head-to-head tiebreaker.
Ang Nets ay angat ng 1 1/2 games sa ninth-place Miami Heat, ang koponan na makakasagupa ng Brooklyn sa regular-season finale sa Miyerkoles.
Bibisita ang Nets sa Indiana Pacers sa Linggo.
Pinangunahan ni Russell ang Nets na may 25 points at 10 assists. Nagdagdag si LeVert ng 24 points, nakalikom si Dudley ng 16 points, at gumawa si Harris ng 14. Bumuslo ang Brooklyn ng 49.5 percent mula sa floor at naisalpak ang 19 3-pointers.
76ERS 116,
BULLS 96
Kumana si JJ Redick ng apat na 3-pointers sa pag-iskor ng 23 points upang tulungan ang Philadelphia 76ers na pataubin ang host Chicago Bulls noong Sabado ng gabi.
Tumipa si Joel Embiid ng 20 points, 10 rebounds at 3 blocked shots nang umabot ang 76ers (50-30) sa 50-win mark sa ikalawang sunod na season.
Umangat din ang Philadelphia ng dalawang laro sa Boston Celtics, may dalawang laro ang nalalabi sa agawan para sa No.3 seed sa Eastern Conference. Hawak ng Celtics ang head-to-head tiebreaker.
Umiskor si Tobias Harris ng 16 points, nagdagdag si Ben Simmons ng 14, nagtala si Jonah Bolden ng 11 at nakalikom si Boban Marjanovic ng 10 para sa 76ers. Naipasok ng Philadelphia ang 52.3 percent sa field-goal attempts nito, kabilang ang 9 of 27 sa 3-point area.
Kumamada si JaKarr Sampson ng career-best 29 points para sa Bulls, na natalo sa ika-6 na pagkakataon sa nakalipas na pitong laro. Nagdagdag si Timothe Luwawu-Cabarrot ng 14 points.
Comments are closed.