LAGUNA – NANANATILING palaisipan sa pamilya ng bagong luwal na sanggol na lalaki makaraang magpositibo ito sa Covid-19.
Sinasabing matapos normal na iluwal ng kanyang Ina ang nasabing sanggol sa Infirmary Hospital sa bayan ng Los Banos noong nakaraang ika-18 ng nakaraang buwan ng Abril, hindi umano inaasahang dapuan ito ng Pneumonia at hindi makahinga makalipas ang ilang araw habang nasa loob na ang mga ito ng kanilang bahay sa bayan ng Bay.
Ayon sa isinagawang pagsisiyasat ni Calabarzon Department of Health (DOH) Regional Director Dr. Eduardo Janairo, agarang sumailalim sa Swab Test ang naturang sanggol samantalang makalipas pa ang halos 14 na araw ng lumabas sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang positibong resulta nito .
Dahil dito, inatasan ni Janairo ang kanyang mga tauhan na agarang magsagawa ng Contact Tracing sa mismong hospital kung saan ito ipinanganak, kabilang ang miyembro ng kanilang pamilya.
Nakatakda rin aniyang sumailalim na muli sa Swab Test ang sanggol para matukoy aniya ng mga ito kung ligtas na ito mula sa sakit na Covid-19.
Samantala, patuloy pa rin ang paglobo ng kaso sa lalawigan ng Laguna, umaabot na sa 319 ang kaso, 25 ang naitalang namamatay habang 74 naman ang nakarekober batay sa ipinalabas na ulat ni Janairo kahapon.
Sa kasalukuyan, pumapangalawa na ang Laguna sa may mataas na kaso sa Calabarzon kung saan nangunguna ang lalawigan ng Rizal na may kabuoang kaso na umaabot sa 335 habang 45 ang nasawi at 72 ang nakarekober.
May kabuoang 1,058 na kaso ang naitala sa buong Calabarzon area, 121 ang nasawi habang 287 naman ang nakarekober kung saan kabilang pa rin ito sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon. DICK GARAY
Comments are closed.