NFA RICE BALIK SA MERKADO

MAGBABALIK na sa merkado ang P27 at P32 kada kilo ng bigas ng National Food Authority (NFA).

Ayon kay NFA Administrator Jason Aquino, bago matapos ang buwan ay darating na ang inangkat na bigas ng bansa mula sa Thailand at Vietnam.

Aniya, inatasan na niya ang mga regional director na agad ipamahagi sa mga tindahan ang mga darating na imported na bigas, habang binigyan ng direktiba ang mga field official na patuloy na magsagawa ng monitoring upang  matiyak na nakarara­ting sa masa ang murang bigas para sa kanila.

Sinabi pa ng opisyal na malaking tulong ito sa mga mahihirap na napipilitang bumili ng mas mahal na commercial rice para lang may makain ang kanilang pamilya.

Binanggit ni Aquino na ang bigas ang ­pangunahing pagkain ng 85 porsiyento ng populasyon sa bansa at ang budget ng isang mahirap na pamilya para sa pagkain ay 60 porsiyento ng kanilang pera at 20 porsiyento nito ay ipinambibili ng bigas.

Samantala, may 12,000 metric tons (MT) o 240,000 bags ng imported na bigas mula sa Vietnam at Thailand ang inaasahang matatanggap ng NFA sa Eastern Visayas.

Ayon kay NFA Regional Director Henry Tristeza, ang naturang alokasyon ay magmumula sa 250,000 MT ng bigas na binili sa pamamagitan ng government-to-government scheme.

“The new shipment will ensure us enough rice supply for at least six days if NFA will be the only source of staple food. That is not the case because we have enough stocks from commercial traders and households,” wika ni Tristeza.

Ang dami ay maliit na bahagi lamang ng 60-day buffer stocks target na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Comments are closed.