NFA RICE BANTAYAN

SIGURADUHING mapupunta sa tamang pinaglaanan ang inangkat na bigas ng National Food Au­thority (NFA) upang matiyak ang supply ng abot-kayang bigas sa merkado.

Ito ang panawagan ni Senador Bam Aquino dahil mahigit isang taon din aniyang nalunod sa mataas na presyo ng bigas ang taumbayan.

Aniya, dapat ding tiyakin na tuloy-tuloy na ang supply ng murang bigas para gumaan naman ang kalagayan ng mahihirap na Filipino.

Nauna rito, sinabi ng pamahalaan na inaasahan nila ang pagbaba ng presyo ng bigas pagdating ng unang bahagi ng imported rice na ipamamahagi sa mga lalawigan sa Luzon at Mindanao. Ang nasabing bigas ay may dalawang uri na ibebenta sa P27 at P32 kada kilo.

Umakyat ang presyo ng commercial rice sa merkado sa P45 hanggang P50 kada kilo nang kapusin ang supply ng NFA rice mula noong Marso ng nakaraang taon

Sa pagdinig ng Senado, inamin ni NFA administrator Jason Aquino na nabigo ang ahensiya na tuparin ang 15-day buffer stock policy ng halos isang taon.

Dahil sa kapalpakang ito ng NFA, sinabi ni Aquino na ito’y nag­resulta sa pagtaas ng presyo ng bigas, kaya nadagdagan ang gastos ng pamilyang Filipino sa bigas.

“Bigas ang bumubuhay sa ating mga Filipino araw-araw kaya kailangan itong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan at tiyaking mayroong sapat na supply ng murang bigas sa merkado,” giit ng senador.

Gayunpaman, sa kabila ng pagdating ng imported NFA rice, nanindigan si Aquino na dapat magbitiw ang NFA administrator upang hindi na maulit ang nangyari noong nakaraang taon kasabay ng pangambang baka mapunta lang ang imported NFA rice sa mga kamay ng mga negosyante at ibenta ito sa mas mataas na presyo.

“Ngayong may dumating na bigas, baka maulit lang ang nangyari at mapunta na naman agad ang buffer stock sa kamay ng mga ­traders,” anang senador. VICKY CERVALES

 

 

Comments are closed.