SIMULA sa susunod na taon ay mawawala na ang NFA rice na P27 at P32 sa mga pamilihan sa bansa.
Sa kanyang year-end report, sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na ang murang NFA rice ay aalisin na sa mga pamilihan kapag naaprubahan ang Rice Tariffication law.
Sa ilalim ng batas ay lilimitahan ang mandato ng NFA bilang buffer stocking agency upang masiguro ang sapat na supply ng pangunahing bilihin sa loob ng 15 araw.
Gayundin, sa ilalim ng Rice Tariffication law ay ititigil na ng pamahalaan ang pag-aangkat ng bigas.
Inaatasan din ng bill ang NFA na bumili ng buffer stock sa mga magsasaka.
Sa Enero ay hindi bababa sa 500,000 metric tons ng imported NFA rice ang darating sa bansa, subalit ang supply ay tatagal lamang hanggang Marso 2019.
Ayon kay Piñol, sa 2nd quarter ng 2019 ay magiging P35 at P36 na ang pinakamurang bigas na mabibili sa mga pamilihan.
Ang Rice Tariffication bill ay nagtatakda rin ng P10 bilyong subsidiya taon-taon sa Rice Competitiveness Enhancement Fund, kung saan ang P5 billion ay para sa mechanization habang ang P3 billion ay para sa rice seedlings upang matulungan ang local farmers na maging kumpetitibo.
Comments are closed.