(Ngayong Sabado) SOLO PARENTS MAY LIBRENG SAKAY SA ‘MRT-3, LRT-2

MAY alok na libreng sakay ang MRT-3 at LRT-2 sa mga single parent ngayong Sabado, April 20, sa pagdiriwang ng Solo Parents’ Day.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng MRT-3 at  LRT-2 na ang libreng sakay ay sa  peak hours mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Ang mga mag-a-avail ng libreng sakay ay kailangan lamang ipakita ang kanilang valid solo parent’s ID o solo parent certificate of eligibility sa station personnel.

Sinabi ni Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino na ang libreng sakay ay bilang pagkilala sa mga sakripisyo ng  solo parents sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.

“Hangad po namin na sa aming libreng sakay ay mapasaya namin sila sa kanilang espesyal na araw. Nawa po ay maipadama namin sa lahat ng solo parents ang aming paghanga at pagpapahalaga sa kanilang mga sakripisyo,” aniya.

Umaasa naman ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority na ang libreng sakay ay magbibigay ng inspirasyon sa solo parents na hindi napapagod  na sumusuporta sa kanilang pamilya.

“Tayo po sa LRTA, batid natin yung bigat ng responsibilidad ng mga solo parent. Kayanaman sa pagdiriwang na ito, sana maiparamdam ng LRTA ang aming paghanga at pasasalamat sa inyo sa pamamagitan po ng handog naming libreng sakay,” wika ni LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera.