MAGSISIMULA nang bumalik sa normal ang suplay ng paracetamol at iba pang flu medicines sa mga botika ngayong weekend, ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez.
Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni Lopez na nagsimula nang mag-deliver ang mga manufacturer ng naturang mga gamot sa mga botika noong Miyerkoles.
Dahil, aniya, sa pagtaas ng demand sa paracetamol at flu drugs matapos ang Bagong Taon, ang mga botika ay nag-order ng triple ng kanilang normal orders.
“Their (drug stores) reported to us that they ordered three times more of their usual ordering level in anticipation of larger demand and preparation for the spike in cases from Omicron,” anang kalihim.
Iginiit niya na walang shortage sa suplay ng paracetamol at iba pang flu medicines at ang mga manufacturer ay may malawak na production capacity ng naturang mga produkto.
“At least four paracetamol brands with local production can produce 57.3 million tablets in a month, while the capacity of production plants of two brands reach up to 80 million per month,” ayon sa trade chief.
Dagdag pa ni Lopez, batay sa pahayag ng Drug Stores Association of the Philippines, ang shortage ng paracetamol at flu medicines ay sa Metro Manila lamang at dahil sa hindi inaasahang pagtaas ng demand.
“We expect the stock to normalize this weekend,” ani Lopez. PNA