(Nirerepaso ng regional wage boards)10 WAGE HIKE PETITIONS

SAMPUNG wage hike petitions ang kasalukuyang nakabimbin at pinag-aaralan ng iba’t ibang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs), ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa pagdiriwang ng Labor Day kahapon.

Aniya, ang wage hike petitions, karamihan ay humihiling ng across-the-board increases, ay nakabimbin sa RTWPBs sa National Capital Region, Calabarzon, Western Visayas, at Central Visayas.

“Sa pangkasalukuyan, merong sampung petitions na pinoproseso. Ito ay isinasaalang-alang na ng ating mga wage boards at umaasa tayo na ang proseso ay gugulong o uusad nang mahusay nang sa ganon magkaroon na ng pagpapalabas ng karampatang wage order,” pahayag ni Laguesma.

“Ito ay titingnang mabuti ng ating mga wage boards at sa aking [palagay], hopefully, sa lalapit na panahon, meron nang ilalabas na mga wage orders ang ating mga iba-ibang regional wages and productivity boards,” dagdag pa niya.