NASA 94.24% ng business establishments sa National Capital Region (NCR) ang sumunod sa minimum public health standards (MPHS) na itinakda ng pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa noong nakaraang taon, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Tinukoy ang datos mula sa Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) nito, sinabi ng DTI na mula sa 5,267 ininspeksiyong kompanya noong 2021, 4,121 ang naobserbahang sumunod sa MPHS.
Samantala, nasa 1,146 Requests for Corrective Action (RCAs) ang inisyu sa non-compliant business establishments; 590 rito ay tumugon sa itinakdang panahon at 292 ang inendorso sa Local Government Units (LGUs) para sa karagdagang aksiyon at imbestigasyon.
“Majority of the observed non-compliance of the firms are the lack of mandatory contact tracing and/or health declaration forms, thermal scanners, floor markings for the observance of physical distancing, and the regular service maintenance schedule of the firms’ air conditioning units,” ayon sa DTI-FTEB.
Ang MPHS ay alinsunod sa Department of Labor and Employment-DTI Joint Memorandum Circular 20-04-A Supplemental Guidelines on Workplace Prevention and Control of COVID-19, na nagsasaad ng pagpapatupad ng risk mitigation strategies sa lahat ng nag-o-operate na business establishments sa bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tamang bentilasyon at contact tracing forms.
Sinabi ni DTI Consumer Protection Group (CPG) Undersecretary Ruth Castelo na kailangang mahigpit na sundin ang health protocols para mas ligtas at epektibong mapatakbo ang negosyo sa buong pandemya.
“This 2022, let us continue to be proactive and adhere to our health protocols to ensure the utmost protection of the health of the Filipino consumers, traders, and workers,” ani Castelo.