BUMAGAL ang paglago ng bank lending sa ikatlong sunod na buwan noong Hunyo, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa preliminary data ng BSP ay lumitaw na ang outstanding loans ng malalaking bangko ay lumago ng 7.8% sa P10.99 trillion noong Hunyo mula P10.19 trillion noong nakaraang taon.
Ang paglago ng bank lending noong Hunyo ay mas mabagal sa 9.4% noong Mayo at sa 12.1% noong Hunyo 2022.
“The continued moderation of bank lending highlights the impact of the tightening carried out by the BSP since mid-2022,” wika ni ING Bank N.V. Manila Senior Economist Nicholas Antonio T. Mapa.
Aniya, ang interest rate hikes ay naglalayong maibsan ang demand-side pressure sa inflation.
Mula Mayo 2022 hanggang Marso 2023, tinaasan ng BSP ang benchmark interest rate ng 425 basis points (bps) sa halos 16-year high na 6.25%.
Bagama’t hindi nagbago ang interest rate sa ikatlong sunod na pagpupulong noong Agosto 17, nagpahiwatig ang Monetary Board na nakahanda itong ipagpatuloy ang paghihigpit, kung kinakailangan, sa gitna ng mga panganib sa inflation outlook.