(Noong Oktubre) BUDGET DEFICIT LUMOBO SA P1.2-T

BTr

PUMALO sa P1.2 trillion ang budget deficit ng Pilipinas noong Oktubre, ayon sa Bureau of the Treasury.

Ang budget shortfall sa January-October period ay mas mataas ng 27.9 percent o P262.8 billion kumpara sa budget gap na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, at 65 percent ng P1.9 trillion 2021 revised program.

Sa unang 10 buwan ng taon, ang pamahalaan ay gumasta ng P3.31 trillion, ngunit may revenue lamang na P2.37 trillion.

Mas mabagal din ang revenue growth sa 5 percent kumpara sa 11.5 percent expansion sa spending.

Gayunman, sinabi ng BTr na noong Oktubre, ang revenues ay tumaas ng 10.9 percent, habang ang spending growth ay mas mabagal sa 9.6 percent.  Ang Pilipinas ay patuloy sa pag-utang para tustusan ang COVID-19 response at infrastructure program nito.

Sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na inaasahang manghihiram ang pamahalaan ng P3 trillion ngayong taon, at P2.25 trillion sa 2022.

Hanggang noong Setyembre, ang utang ng bansa ay umabot na sa P11.92 trillion, tumaas ng 27.2 percent mula sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Sa kabila nito, iginiit ng economic managers na ang  debt levels ay nananatiling ‘manageable’.