PUMALO sa USD689 million na foreign portfolio investments ang pumasok sa Pilipinas noong Pebrero, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa datos na inilabas ng BSP, ito ay resulta ng USD1.5 billion gross inflows at USD859 million gross outflows para sa buwan.
Ang net inflow noong Pebrero ay reversal mula sa USD76 million net outflows na naitala noong Enero 2024.
Ang foreign portfolio investments ay tinatawag ding ‘hot money’ dahil sa bilis ng pagpasok at paglabas ng bansa.
Ang USD1.5 billion registered investments noong Pebrero ay mas mataas ng 25.3 percent kumpara sa USD1.2 billion na naitala noong Enero 2024.
Sa naturang buwan, 61.4 percent ng registered investments ay sa Peso Government Securities (GS) habang ang nalalabing 38.6 percent ay sa Philippine Stock Exchange-listed securities, karamihan sa mga ito ay investments na isinagawa sa mga bangko, transportation services, holding firms, property, food, beverage, at tobacco.
Karamihan sa investments noong Pebrero ay nagmula sa United Kingdom, Singapore, United States, Luxembourg, at Hong Kong.
Samantala, ang USD859 million gross outflows para sa buwan ay bumaba ng 34.5 percent mula USD1.3 billion gross outflows na naitala noong Enero.
Ang US pa rin ang top destination ng outflows, na tumanggap ng USD485 million ng total outward remittances.
Para sa unang dalawang buwan ng taon, ang foreign investments na nakarehistro sa the BSP, sa pamamagitan ng authorized agent banks, ay nagtala ng net inflows na USD613 million, isang reversal kumpara sa USD258 million net outflows sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.