IMINUNGKAHI ni Senador Richard Gordon kay Pangulong Rodrigo Duterte na agarang pulungin ang National Security Council upang bumuo ng istratehiya kaugnay ng tumitinding tensiyon sa Gitnang Silangan.
Sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery & Cafe sa Quezon City, sinabi ni Gordon na dapat nang kumilos ang pamahalaang Duterte gayundin ang mga departamento nito katulad ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para magkaroon ng plan of action at matiyak na magiging maayos ang mga plano sa pagbabalik ng mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs) na posibleng maipit sa gulo sa Iran.
Nakatakdang magdaos ng command conference ang Pangulong Duterte kaugnay kung magpapatawag ito ng special session hinggil sa naturang usapin.
Sinabi pa nito na dapat ay maghinay-hinay rin ang Pangulo sa mga pahayag nito hinggil sa tensiyon ng US at Iran upang hindi maiwasan na madamay pa ang bansa.
Aminado si Gordon na siya ring chairman ng Philippine Red Cross na napakahirap maglunsad ng puwersahang repatriation sa Middle East dahilan sa may kakulangan ang Filipinas sa mga sasakyan katulad ng mga aircraft at barko upang ilikas ang mga kababayang Pinoy pabalik ng bansa.
Aniya, mayroon lamang tatlong C-130 na kasalukuyang nag-ooperate habang ang dalawa nito ay sumasailalim pa sa maintenance kung kaya’t posibleng mahirapan ang bansa sa paglilipat ng mga Pinoy sa bansang Iran.
“Bukod sa aircrafts, dapat may malinaw na sistema at operation centers ang pamahalaan para sa lahat hanggang sa mailagay sa safe sanctuary ang mga Pinoy, wika ni Gordon.
Sa kabila nito, siniguro ng senador na nakahanda pa rin ang PRC sa kanilang pakikipagtulungan sa International Federation of Red Cross and Red Crescent (IFRC) upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga maaapektuhang kababayan dulot ng sigalot sa pagitan ng Amerika at Iran.
Umaasa naman ang senador na sa gitna ng namumuong tensiyon ay makakayanan pa rin ng gobyerno ang planong maibalik ang mga Pinoy mula sa Iran. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.