NU PEP SQUAD PABORITO SA UAAP CHEERDANCE

BAGAMAN pinasimple ang UAAP cheerdance competition, ang National University Pep Squad ay nananatiling paboritong magwagi ngayon sa Mall of Asia Arena.

Nilimitahan sa 15 performers lamang sa competition area at kailangang gawin sa compressed three-minute run dahil sa pandemic restrictions, ang drummers na kadalasang nagpapainit sa event ay hindi na mamamalas.

“Nakaka-boost ng confidence since sila (drummers) nagdadala ng crowd,” sabi ni NU Pep Squad captain Lesther Madelo.

Sa kabila nito, ang  NU cheerdancers ay inaasahang magpapasiklab sa kanilang 90s theme sa kanilang magtatangka para sa ikatlong sunod na korona — at seventh overall sa 4 p.m.event na mapapanood nang live sa TV5.

Sinabi ni coach Ghicka Bernabe na mapanghamon ang adjustment dahil ang NU Pep Squad ay sanay sa traditional six-minute routine.

Sa kanilang winning Balikbayan-inspired performance noong 2019, ang NU Pep Squad ay tatlong beses na nagpalit ng costume sa run nito, na napakaimposibleng magawa sa kasalukuyang set-up.

“Kami ‘yung NU Pep Squad, aminado kami na in three minutes, dahil gusto naming mag-accumulate ng points, talagang siniksik namin yung performance po namin,” ani  Bernabe.

“We focused din po sa dance dahil sa marami pong percentage yung dance sa scoring. Somehow I guess, yung team ay nakapag-adjust na po sa training ng elements,” dagdag pa niya.