NAITALA ni Jamal Murray ang 20 sa kanyang game-high 34 points sa second half at nagdagdag ng 9 assists, nagbuhos si Nikola Jokic ng 24 points at 19 rebounds, at pinataob ng host Denver Nuggets ang Phoenix Suns, 125-107, sa Game 1 ng Western Conference semifinals Sabado ng gabi.
Umiskor si Aaron Gordon ng 23 points, tumapos si Bruce Brown na may 14 points mula sa bench, nag-ambag si Michael Porter Jr. ng 11 points at kumubra si Kentavious Caldwell-Pope ng 10 para sa Nuggets na kinuha ang 1-0 series lead.
Nakatakda ang Game 2 sa Lunes ng gabi sa Denver, kung saan hindi pa natatalo ang Nuggets sa playoffs ngayong taon.
Kumamada si Kevin Durant ng 29 points, 14 rebounds at 7 turnovers, gumawa si Devin Booker ng 27 points at nagbigay ng 8 assists, kumabig si Deandre Ayton ng 14 points at 7 rebounds at nagdagdag si Chris Paul ng 11 para sa Suns.
Naghabol ang Phoenix ng 15 points sa kaagahan ng fourth quarter ngunit tinapyas ito sa 10. Umiskor sina Gordon at Murray ng layups upang palobohin ang kalamangan sa 106-92, may 8:21 ang nalalabi.
Kinumpleto ni Booker ang isang three-point play subalit sumagot si Murray ng dalawa mula sa three-point area upang ibalik ang 17-point lead ng Denver at mapilitan ang Suns na tumawag ng timeout.
Nagmintis si Paul sa corner 3-pointer mula sa timeout at nagsimula nang lumayo ang Nuggets. Umiskor si Jokic sa finger roll, pinasahan si Brown para sa dunk, at naagaw ni Brown ang bola kay Durant at muling dumakdak upang bigyan ang Denver ng 118-95 bentahe, may 5:09 ang nalalabi.
Umabante ang Suns sa 32-31 matapos ang first quarter sa likod ng 15 points mula kay Durant ngunit nalimitahan siya sa apat lamang sa second quarter.
Isang layup ni Booker, may 9:46 ang nalalabi sa period, ang nagbigay sa Phoenix ng 39-38 kalamangan subalit bumanat ang Nuggets ng 13-2 run upang umabante ng 10.
Makaraang tapyasin ng Suns ang bentahe sa anim, nagsalpak si Caldwell-Pope ng dalawa mula sa deep at bumuslo si Gordon ng isa mula sa arc upang sindihan ang 17-6 run sa pagtatapos ng half at bigyan ang Denver ng 68-51 lead.
Lumapit ang Phoenix sa 11 points sa kaagahan ng third subalit isang pares ng 3-pointers mula kay Murray ang naglagay sa talaan sa 83-66, at kinuha ng Nuggets ang 94-81 lead papasok sa fourth.