RIZAL – TIMBOG sa mga kagawad ng Laguna Provincial Highway Patrol Team (PHPT) ang itinuturong number 1 most wanted person ng Regional Highway Patrol Group (RHPG4A) makaraang magkasa ang mga ito ng Manhunt Charlie Operation sa bahagi ng Guiguinto, Bulacan kamakalawa ng umaga matapos makapagkubli ito sa batas sa loob ng ilang taon.
Batay sa ulat ni PHPT Chief PCapt. Ernesto Esguerra kay RHPG4A Director PCol. Jonathan Calixto, nakilala ang naarestong suspek na si Jay Sidico y Cabello, pansamantalang naninirahan sa nasabing lugar.
Sinasabing ikinasa ni Esguerra at ng kanyang mga tauhan na sina PCpt. Joseph Yatco, PSMS Aldwin Blaza, PMSg Joey Ferrer kabilang si PHPT Bulacan Chief PMaj. Michol Lava at kagawad ng Sta. Cruz Laguna-PNP ang nasabing operasyon sa lugar dakong alas-9:05 ng umaga.
Bitbit ng mga ito ang tatlong warrant of arrest kaugnay ng kinasasangkutan umano nitong kasong carnapping at theft sa Laguna habang Estafa naman sa lalawigan ng Cavite na may kabuuang piyansa na umaabot sa P220,000.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Sta. Cruz-PNP Lock Up Cell para harapin ang tatlong kasong isinampa sa kanya ng pulisya. DICK GARAY
Comments are closed.