NUMBER 2 MOST WANTED SA CAVITE NATIMBOG SA CEBU

arestado

CAMP VICENTE LIM – TIMBOG sa pinagsanib na kagawad ng Regional Intelligence Division (RID4A) Calabarzon, RID-PRO7, Dasmariñas City at Toledo City PNP ang itinuturong Number 2 Most Wanted Person matapos ang mahigit 16 na taon nitong pagtatago sa batas sa Brgy. Cantabaco, lungsod ng Toledo kamakalawa ng hapon.

Sa bisa ng dalawang warrant of arrest kaugnay ng kasong murder at frustrated murder kabilang ang carnapping, natimbog ng nasabing elemento ang suspek na kinilala ni Calabarzon-PNP Director PBGen. Edward Carranza na si Marvin Opamin Dupalag alyas “Marvin”, naninirahan sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon, dakong alas-2:20 ng hapon nang magkasa ng Operation Manhunt Charlie ang mga tauhan ni Carranza sa pamumuno ni RID4A Chief PCol. Serafin Petalio sa safehouse ng suspek bitbit ang tatlong warrant of arrest.

Doon mismo sa lugar hindi na nagawa pang makapalag at makatakas ng suspek sa pulisya kasunod ang isinagawang pag-aresto.

Sa talaan, lumilitaw na responsable umano ang suspek sa naganap na pamamaslang sa biktimang si Jerson Joseph Beltran Cabayan noong Nobyembre 2003 at sa tangkang pagpatay sa biktimang si Dave Barazaga noong Hulyo 2007 sa Dasmariñas City, Cavite.

Bukod aniya rito, nasangkot din sa kaso ng carnapping ang suspek matapos tangayin at gamitin pa nito bilang get away vehicle ang sasakyan ng biktimang si Barazaga makaraan ang insidente kung saan nagawa nitong makapagkubli sa batas sa mahabang panahon.

Kaugnay nito, iprinisinta ni Carranza kahapon ng umaga sa miyembro ng Media sa Multi Purpose Building sa Camp Vicente Lim Canlubang, Calamba, City ang suspek matapos ang matagumpay na pag-aresto kung saan kasalukuyang nasa kustodiya na ngayon ng Dasmarinas City-PNP para harapin ang tatlong kasong kinasasangkutan nito. DICK GARAY

Comments are closed.