OBIENA TUMANGGAP NG P10-M PARA SA ASIAD GOLD

TUMANGGAP si world’s No. 2 pole vaulter EJ Obiena ng P10-million na regalo mula sa kanyang Filipino-Chinese benefactors para sa kanyang napanalunang gold medal sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.

Ang reward ay inanunsiyo nitong Biyernes sa kanyang homecoming sa kanyang alma mater Chiang Kai-siek College (CSK), kung saan siya nag-aral mula pre-school hanggang high school.

Si Obiena ay tumanggap ng P3 million mula sa CSK board of trustees, P5 million mula sa Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce, P1 million mula kay businessman Anton Tan, at P1 million mula kay Ambassador Carlos Chan, ang may-ari ng Oishi Philippines.

Ang Filipino Olympian ay nagtala ng bagong Asian Games record tungo sa pagkopo ng gold. Nakatakda rin siyang tumanggap ng P2 million sa ilalim ng RA 10699 o ang National Athletes Benefits and Incentives Act. Ayon sa Filipino pole vaulter, gagamitin niya ang pera sa kanyang paghahanda para sa Paris Olympics, partikular sa kanyang travel expenses sa kanyang training.

Sinabi pa niya na bibili siya ng mga karagdagang poles para sa training at sa aktwal na kumpetisyon.

“I’m probably gonna need a back-up pole in case something hap- pens, because in Europe I only have one set there.

Every time I travel there’s always a risk of breakage and accidents,” aniya.

Nakopo ni Obiena ang unang gold medal ng Pilipinas sa 19th Asian Games noong weekend sa Hangzhou Olympic Sports Centre Stadium.

Ito ang unang athletics gold ng bansa sa Asiad sa loob ng 37 taon matapos ang 100-meter conquest ni Lydia de Vega sa Seoul.