Obladi, Oblada, Obiena

pick n roll

GINTO na naging bato pa.

Sa ganitong senaryo umabot ang kapabayaan ng mga chess official matapos na mag-alsa balutan si Super Grandmaster Wesley So at magdesisyong magmigrante sa US.

Paanong hindi mawiwindang ang lahat gayong isang potensyal na kayamanan ng Philippine sports ang noo’y 21-anyos chess superstar.

Sa US, siksik, liglig at umaapaw ang oportunidad kay So. Bukod sa pinansiyal na seguridad, nakamit niya ang respeto at pagkilala na tila ipinagkait ng mga nakapaligid sa kanya sa sports, na mistulang utak talangka na humihila sa kanya pababa.

Malalaking torneo laban sa pinakamahuhusay na players sa kanyang henerasyon ang nadomina ni So. At sa kasalukuyan, ganap na siyang World No. 2 at kinikilala at tinitingala sa buong mundo – Pilipino ang kanyang lahi, ngunit bandila ng Amerika ang kanyang dinadala sa mga torneo.

Sayang na sayang lang, sabi nga ng bandang Aegis.

Pitong taon ang nakalipas, napipintong mabalewala ang paghihirap at sakripisyo ng sambayanan sa posibilidad na pagreretiro sa Philippine Team ni pole vaulter EJ Obiena. Kumikinang ang career ng 26-anyos na si Obiena sa international tournament, partikular sa Europe kung saan bawat lahukan ay katumbas ng bagong Philippine record.

Nabigo si Obiena sa Tokyo Olympics, ngunit ang mga numero na naitala niya sa nakalipas na mga laban ay buhay na patotoo na mamaniin niya ang Southeast Asian Games sa Vietnam at Asian Games sa China na magkasunod na gaganapin sa susunod na taon.

Bakit sa murang edad ay pagreretiro ang isyu kay Obiena? May iniinda bang injury? Wala na sa peak ang laro?

Malakas pa sa kalabaw ng Mindoro ang pangangatawan ni Obiena. Ngunit, apektado na ang kanyang kahandaan dahil sa magulong kaisipan dulot ng akusasyon sa kanyang katauhan at katapatan.

Sa hindi maunawaang kaganapan, nagpalabas ng pahayag sa media ang pamunuan ng Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) na pinamumunuan ni Philip Ella ‘Popoy’ Juico. Hindi bago sa sports si Mr. Juico at hindi rin kuwestiyonable ang kanyang liderato kung kaya marami ang nagulat sa kanyang pahayag na isang malaking kasiraan sa kredibilidad at katauhan ni Obiena.

Dispalkador umano si Obiena. Dinaya ang mga dokumento na isinumite sa Patafa at hindi ibinigay ang suweldo ng kanyang Serbian coach na si Vitaliy Petrov. Hiling ni Mr. Juico na ibalik ni Obiena ang mahigit P4 milyon na pambayad sa kanyang foreign coach.

May problema, ngunit natalakay ba ng mga opisyal ng Patafa ang sitwasyon at napag-usapan ang tamang hakbang? Ang ina ni Obiena na si Janet ay miyembro ng Patafa Board at ang ama niyang si Eduard ay coach ng asosasyon. Anyare?

Ibinatay umano ng Patafa ang naging aksiyon sa sulat at sinumpaang salaysay ng dating Olympic champion na si Sergie Bubka. Si Bubka ang nagrekomenda kay Petrov na alagaan at hasain ang talent ni Obiena bunsod na rin ng pakiusap noon ng dating Patafa chief na si Go Teng Kok.

Ngunit, mismong si Petrov, sa media conference via Zoom ang nagpatotoo na walang pagkukulang si Obiena at natanggap niya ang buong suweldo na nakabatay sa nilagdaan niyang kontrata. Inamin ni Obiena na may pagkakataon na na-delay ang pag-abot niya ng suweldo sa kanyang coach, ngunit ang kamalian ay hindi maituturing na krimen – batay sa kanyang paniniwala.

Hiniling ni Obiena ang ‘public apology’ mula sa Patafa. Tama naman. Deserving si Obiena na matanggap ang paumanhin at aminin ng Patafa ang pagkakamali. Kung hindi ito magagawa ng asosasyon, mas gugustuhin ni Obiena na magretiro na lamang. Kung sakali, tiyak na nag-aabang na ang mga bansa sa Europe na nakasaksi sa kahusayang taglay ni Obiena.

Hindi krimen ang magpakumbaba, Mr. Juico. Bilang isang mabuting lider, inaasahan ng sambayanan na maayos ng Patafa ang gusot kay Obiena. Kung aalatin, bagong istorya ito ng pagkawala ng kinang sa gintong taglay ng Philippine sports.

vvv

(Para sa reaksiyon at suhestiyon, ipadala sa [email protected])