NAKABAWI ang remittances mula sa overseas Filipinos noong Marso makaraan ang pagbaba na naitala noong Pebrero, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa datos ng BSP, ang cash remittances — ang money transfers na ipinadaan sa mga bangko — ay tumaas ng 3.2% sa $2.594 billion mula sa $2.514 billion na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Mas mataas din ito sa $2.509 billion na cash remittances noong Pebrero.
Year-to-date, ang cash remittances ay tumaas ng 2.4% sa $7.771 billion mula $7.593 billion sa kahalintulad na panahon noong 2021.
“The expansion in cash remittances was due to the growth in receipts from land-based and sea-based workers,” ayon sa central bank.
Ang inflows mula sa land-based workers ay lumago ng 3.7% sa $2.021 billion mula $1.948 billion, habang ang mula sa sea-based workers ay tumaas ng 1.3% sa $573 million mula $566 million.
Ang pagtaas ng cash remittances mula sa United States, Japan, Singapore, Taiwan, at Saudi Arabia ay nakapag-ambag nang malaki sa pagtaas ng remittances sa first quarter ng 2022.
Ang US ang bumubuo sa 41.5% ng remittances, sumusunod ang Singapore, Saudi Arabia, Japan, United Kingdom, United Arab Emirates, Canada, Taiwan, Qatar, at Malaysia. Ang pinagsama-samang remittances mula sa top 10 countries ang bumubuo sa 79.1% ng kabuuang cash remittances para sa buwan.
Samantala, tumaas ang personal remittances ng 3.1 percent sa $2.8 billion noong Marso dahilan para umakyat ang first quarter level sa $8.6 billion, ayon sa BSP.