OFW CASH REMITTANCES TUMAAS ($2.395-B noong Abril)

BSP

LUMOBO ang cash remittances mula sa overseas Filipinos na ipinadaan sa mga bangko noong Abril, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos ng BSP, ang cash remittances ay pumalo sa $2.395 billion noong Abril, mas mataas ng 3.9 percent kumpara sa $2.305 billion na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

“The expansion in cash remittances was due to the growth in receipts from land-based and sea-based workers,” ayon sa central bank.

Sa unang apat na buwan, ang cash remittances ay tumaas ng 2.7 percent sa $10.167 billion, sabi pa ng BSP.

Ang paglobo ng cash remittances mula sa United States, Saudi Arabia, Japan, Taiwan at Singapore ay nakapag-ambag nang malaki sa total increase noong Abril.

Samantala, tumaas ang personal remittances ng 3.8 percent sa $2.671 billion mula $2.574 sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.

Dahil dito, ang kabuuang personal remittances ay sumirit ng 2.6 percent sa unang apat na buwan ng taon sa $11.317 billion.

“The US registered the highest share of overall remittances at 41.2 percent in the first 4 months, followed by Singapore, Saudi Arabia, Japan, UK, UAE, Canada, Qatar, South Korea and Taiwan,” ayon pa sa BSP.