OFW CASH REMITTANCES TUMAAS ($2.812-B noong Oktubre)

Remittances-4

LUMOBO ang cash remittances ng overseas Filipinos na ipinadadaan sa mga bangko noong Oktubre, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa isang statement, sinabi ng BSP na ang cash remittances ay tumaas ng 2.4 percent noong Oktubre sa $2.812 billion mula $2.747 billion sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Kumpara ito sa $2.373 billion noong Setyembre, at pinakamataas magmula noong Hulyo na may $2.853 billion.

“The expansion in cash remittances was due to the increase in receipts from land-based and sea-based workers, which rose by 2.8% and 0.6% respectively,” paliwanag ng BSP.

Ang inflows mula sa land-based workers ay umakyat sa $2.247 billion mula $2.186 billion, habang ang mula sa sea-based workers ay tumaas sa  $565 million mula $561 million.

Ang year-to-date cash remittances ay nasa $25.929 billion, tumaas ng 5.3% mula sa $24.633 billion na naitala sa kahalintulad na panahon noong 2020.

“The growth in cash remittances from the United States, Taiwan, and Malaysia contributed largely to the increase in remittances in January-October 2021,” anang BSP.

Ang US ang may pinakamalaking share sa overall remittances sa unang 10 buwan ng taon sa  40.9%, sumusunod ang Singapore, Saudi Arabia, Japan, United Kingdom, United Arab Emirates, Canada, Taiwan, Qatar, at South Korea.

Ang pinagsama-samang remittances mula sa top 10 countries ang bumubuo sa 79.0% ng total cash remittances sa nasabing panahon.

Samantala, umabot ang personal remittance mula sa overseas Filipinos sa $3.117 billion noong Oktubre. Mas mataas ito ng 2.4 percent kumpara sa $3.044 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Dahil dito, ang cumulative remittance para sa unang 10 buwan ng taon ay umabot sa $28.816 billion, tumaas ng 5.4 percent mula sa $27.346 billion sa kahintulad na panahon noong nakaraang taon.