TULOY ang takbo ng storage facilities ng oil importers sa Calabarzon (Region 4-A) sa kabila ng hindi pa matantiyang estado ng Taal Volcano, ayon sa Department of Energy (DOE).
Sa kanilang Task Force on Energy Resiliency Update on Taal Volcano, sinabi ng DOE na ang import terminals ng pitong oil companies ay patuloy ang operasyon sa Batangas.
Ito ay ang import terminals ng Chevron, Isla LPG, Petron, Seaoil, Unioil, Phoenix, at South Pacific.
Pahayag ng DOE na ang Shell refinery at Insular depot sa Batangas ay tuloy ang operasyon kasabay ng oil depots ng Petron sa Cavite at Isla LPG sa Laguna, sa gitna ng volcanic activity ng Taal Volcano.
Ang import terminal ng Liquigaz sa Quezon ay nananatili ring operational.
Mahigit sa 80 porsiyento ng fuel retail outlets sa mga apektadong lugar ang nananatiling bukas.
Sa 139 retail outlets sa Cavite, business-as-usual pa rin para sa 93 porsiyento ng mga istasyon habang 11 ang naisara.
Sa Laguna, ang Shell retail outlet sa Barangay Pulo, Cabuyao City ang sarado. Ang ibang 112 outlets ay nanatili ang opeasyon.
Labindalawang istasyon ang isinara sa Batangas, habang 88 porsiyento ng 89 fuel retail outlets ay tuloy ang operasyon. PNA