Sa pangunguna ni One Meralco Foundation (OMF) President Jeffrey O. Tarayao, inilunsad ng OMF ang agriculture and livelihood electrification program nito para sa mga miyembro ng Laak Multipurpose Cooperative (LAMPCO) sa Laak, Davao de Oro.
DAHIL likas na sagana sa malalawak na mga palayan, hindi kataka-takang pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente sa bayan ng Laak sa Davao de Oro. Ito rin ang tumutulong sa pagtugon sa lumalaking pangangailangan ng probinsya sa pagkain.
Upang makatulong sa mga magsasaka, nagtayo ang Laak Multipurpose Cooperative (LAMPCO) noong 2010 ng pasilidad na magsisilbing gilingan ng mga aning palay. Layunin ng inisyatibang ito na lalo pang mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka para mas matugunan nila ang pangangailangan ng kani-kanilang mga pamilya.
Subalit noong 2012, kabilang ang Laak sa nasalanta ng bagyong Pablo nang tumama ito sa Timog na bahagi ng Pilipinas. Nasira ng pagbaha at ng malalakas na hangin hindi lamang ang mga poste at linya ng kuryente kundi pati ang mga bahay at pananim sa lugar. Mula noon, nawalan na ng serbisyo ng kuryente ang LAMPCO na naging matinding dagok sa operasyon ng gilingan.
SUSI SA PAGIGING MAS PRODUKTIBO NG KOMUNIDAD
Para matulungan ang LAMPCO na mas mapagbuti ang operasyon at produksyon nito ng bigas, nagkaloob ang One Meralco Foundation (OMF) ng 5.1-kilowatt peak solar photovoltaic (PV) system sa pasilidad ng gilingan ng palay.
Tugon ang iniyatibang ito ng OMF sa kakulangan ng maaasahang serbisyo ng kuryente sa mga malalayong komunidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Para sa Laak, mahalaga ito para sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyong panlipunan at sa pagpapabuti ng buhay ng mga residente sa lugar.
Bilang resulta ng pagkakabit ng solar PV system, tumaas ang produksyon ng LAMPCO. Mula sa 30 sako ng bigas kada araw, tumaas sa higit 100 sako ng bigas ang nagagawa ng kooperatiba. Bunsod nito, nagkakaroon ng karagdagang kapital ang mga magsasaka sa lugar dahil nasa humigit kumulang P2,000 kada sako ang tinatayang maaaring kitain ng mga ito.
“Bagaman maituturing na isa sa mga pangunahing pangangailangan ang pagkakaroon ng serbisyo ng kuryente, ang magandang epekto nito sa aming organisasyon at komunidad ay patunay sa kapasidad nitong baguhin at mas pabutihin ang buhay ng tao,” ani LAMPCO General Manager Edesa Morantes.
“Ngayon, patuloy kami sa pagsusulong ng kaunlaran, at kaisa namin ang mga miyembro ng komunidad na naka-depende sa aming serbisyo. Ang mga benepisyong nakukuha namin mula sa pagkakaroon ng serbisyo ng kuryente ay aming ibabahagi sa mga miyembro at sa komunidad na aming pinagsisilbihan,” dagdag pa niya.
Bukod sa pagpapalakas ng operasyong pangkabuhayan ng LAMPCO, malaking tulong din ang inisyatiba ng OMF sa pagpapatatag ng kooperatiba. Makapagbibigay din ito ng mas magagandang pagkakataon sa negosyo at makapagpapabuti rin ng kalagayan sa buhay ayon sa pahayag ni Cooperative Development Program Philippines Country Director Melissa Alado.
Binigyang diin naman ni OMF President Jeffrey O. Tarayao ang kahalagahan ng pagkakaroon ng serbisyo ng kuryente at ang pakikipagtulungan sa mga lokal na komunidad sa pagbubukas ng mga pagkakataong pang-ekonomiya para sa iba’t ibang komunidad sa bansa.
“Ang kawalan at kakulangan sa suplay ng kuryente ay nananatiling hamon para sa maraming komunidad sa malalayong ibayo ng bansa. Bilang tugon, pinalawak namin ang aming Community Electrification Program sa pamamagitan ng paglulunsad na agriculture and livelihood electrification. Layunin naming masiguro na makapaghahatid ng basic services sa mga malalayo at liblib na lugar sa tulong ng paghahatid ng serbisyo ng kuryente gamit ang renewable energy,” pahayag ni Tarayao.
“Nakita rin namin na ang pagkakaroon ng serbisyo ng kuryente ay isang mabisang paraan para mabigyan din ng pagkakataon ang mga kapwa natin Pilipino na nakatira sa malalayo at liblib na mga lugar na makatulong din sa pagpapaunlad hindi lamang ng kanilang komunidad kundi pati ng bansa,” dagdag ni Tarayao.
Bukod sa pagbibigay ng serbisyo ng kuryente para sa mga proyektong pang-agrikultura at pangkabuhayan, bahagi rin ng adbokasiya ng OMF ang pagbibigay ng serbisyo ng kuryente sa mga off-grid na pampublikong paaralan, sa mga pamilyang matindi ang pangangailangang pinansyal na sakop ng prangkisa ng Meralco, mga rural health center, at para rin sa water access.
Bilang sangay ng Meralco na nangangasiwa sa mga programang may kinalaman sa pagtulong sa mga komunidad, magpapatuloy ang OMF sa paggawa ng paraan na mabigyan ng serbisyo ng kuryente ang mga underserved na komunidad sa bansa bilang bahagi ng mandato nitong maghatid ng liwanag at pag-asa sa mga madidilim na sulok ng bansa.