LIWANAG NA HATID SA MGA TAGA-CALOOCAN. Nagsanib-pwersa ang One Meralco Foundation, Meralco Camarin Business Center, at Caloocan City Government para mabigyan ng maaasahang serbisyo ng kuryente ang komunidad sa Caloocan. Nasa litrato sina (L-R) OMF Program Manager Michael J. Del Rosario, Meralco Novaliches and Camarin Business Center sa pamumuno ni Ma. Corazon L. Pilapil, Meralco HMB North Business Area sa pamumuno ni Margarita B. David, at ang Caloocan local government sa pamumuno ni City Mayor Dale “Along” R. Malapitan, Caloocan City 1st District Rep. Oscar “Oca” G. Malapitan, Caloocan City Vice Mayor Katrina Teh-Limsico, Caloocan City District 1 Councilor Vincent Ryan “Enteng” R. Malapitan, at Barangay 177 Chairwoman Donna De Gana Jarito.
Halos 100 na pamilya sa Camarin, Caloocan ang nabigyan ng ligtas at maaasahang serbisyo ng kuryente kamakailan sa tulong ng social development arm ng Manila Electric Company (Meralco) na One Meralco Foundation (OMF).
Sa pamamagitan ng prog_rama ng OMF na Household Electrification Program, nagkaroon ng sariling service entrance ang tahanan ng mga benepisyaryo sa North Triangle-Cielito Homes, Sunflower St. sa Barangay 177, at D’First Labea Neighborhood Association Inc.
Dalawang dekada na mula nang lumipat sa Caloocan ang karamihan sa mga natulungang pamilya na dating mga taga-North Triangle sa Quezon City. Dahil sa ginawang mga pagbabago ng mga developer sa lugar, kinailangang nilang lumipat ng tirahan.
Hindi naging madali ang proseso para makapagpakabit ng maayos na serbisyo ng kuryente ang mga residente lalo’t may mga dokumento at mga bayarin na kaakibat ito. Dahil dito, napilitan ang mga residente na gumamit ng sub-metering para mapailawan ang kanilang mga bahay.
Nagtulung-tulong ang OMF, Meralco Camarin Business Center, at lokal na pamahalaan ng Caloocan para magkaroon ang mga residente ng mas maayos na pailaw at makagamit ng appliances sa loob ng bahay. Labis ang pasasalamat ng mga natulungan dahil sa oportunidad na maging mas produktibo sa kanilang mga tahanan.
Malaking tulong ito sa mag-asawang senior citizen na sina Paulino at Rosita Entac. Dati silang nagbabayad ng P1,500 kada buwan para sa paggamit ng kuryente. Ngayong mayroon nang sariling service entrance, mas mababa na ang singil na batay sa rate ng Meralco. ‘Yan ay sa kabila ng pagkakaroon ng munting negosyong pagtitinda ng school supplies, ice candy, at printing services.
“Napakalaking tulong, napakalaking benepisyo dahil nakakatipid kami ngayon kumpara noong gumagamit kami ng sub-meter. Mas ligtas din ang pakiramdam namin,” ibinahagi ni G. Entac.
Ayon kay Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” R. Malapitan, bukod sa pag-angat ng kabuhayan ng komunidad, makakatulong din ang proyekto para makaiwas sa sunog na dulot ng hindi ligtas at angkop na pagkabit ng kable at linya ng kuryente.
“Sa pamamagitan ng programang ito, umaasa ako na mas magiging responsable ang ating mga benepisyaryo sa paggamit ng kuryente,” ani Malapitan sa idinaos na community launch.
Mahigit 76,000 tahanan sa Meralco franchise area ang napailawan na ng Household Electrification Program ng OMF simula noong 2011. Katuwang ng OMF ang mga Meralco Business Center at Sector sa paghahatid ng liwanag at makabuluhang pagbabago sa mga komunidad.
“Nagsisimula ang pag-unlad ng mga komunidad sa bawat tahanan. Handa ang Meralco at One Meralco Foundation na tugunan ang pangangailangan ng bawat pamilya sa pamamagitan ng aming Household Electrification Program. Nais naming maging mas produktibo at mapabuti ang kalidad ng kanilang buhay at makatulong na mabigyan sila ng oportunidad na magkaroon rin ng kontribusyon sa pag-unlad ng kanilang mga komunidad at ng buong bansa,” ayon kay OMF President at Meralco Chief Corporate Social Responsibility Officer Jeffrey O. Tarayao.