ONE-TIME P30K CASH AID SA ANAK NG OFWs IPAGKAKALOOB NG CHED, DOLE

CHED-DOLE

SINELYUHAN ng Commission on Higher Education (CHED) at ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang isang kasunduan na magkakaloob ng one-time P30,000 assistance sa mga nag-aaral sa kolehiyo na anak ng overseas Filipino workers na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Ang mga nasa likod ng programa na may nakalaang P1 billion na budget ay ang Unified Financial Assistance System for Tertiary Education ng CHED, ang DOLE at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sa isang online press briefing matapos na lagdaan ang kasunduan,  sinabi ni CHED chairman Prospero de Vera  na may 30,000 estudyante ang inaasahang matutulungan ng proyekto na tinawag na “Tabang OFW”.

“One of the concerns that has been repeatedly raised [is] that enrollment will decline because of the economic situation. ‘Yan ang napapag-usapan sa aming discussions before,  so ito ang isa sa mga sagot ng Unifast, “ sabi ni De Vera.

Isang dependent kada OFW family ang mabibiyayaan sa programa. Ang mga benepisyaryo ay kinakailangang magpakita ng certification na estudyante sila ng institution kung saan sila naka-enroll.

Ang pera ay padadaanin sa regional offices ng DOLE at ipalalabas sa sandaling matukoy ang mga kuwalipikadong benepisyaryo.

“The financial assistance will be rolled out as fast as we can,” dagdag ni De Vera.

Comments are closed.