KUNG sinsero tayo na mapalakas ang sistemang pangakalusugan ng bansa, isa sa mga nakikita nating epektibong hakbang ay ang pagpapatayo o pagtatatag ng ospital sa mga state universities and colleges na may kursong medisina.
Una po sa lahat, hanggang ngayon, hindi tuluyang nareresolba ang mga problema natin sa hospital bed capacity. Napakarami pa ring mga ospital ang bitin sa mga higaan para sa mga pasyente.
Nung pumalo po nang husto ang COVID-19 dito sa bansa natin, talagang lumutang nang husto ang problemang ‘yan. Hirap na sa hospital rooms, kulang na kulang pa sa mga higaan para sa mga iko-confine na COVID patients.
Kung matatandaan nga po natin, noong Hulyo ng taong ito, nalagay tayo sa “warning zone” level dahil sa kakulangan ng hospital beds. Umabot sa 52.3 percent sa kabuuang 16,388 COVID-19 beds (noon) nationwide ang nagamit. Ang ibig sabihin, sa kabuuang bilang na ‘yan, 8,577 hospital beds for COVID patients ang nagamit. Pero isipin natin kung gaano karami ang nako-confine nung kasagsagan ng pandemya, tapos ganyan na lang pala ang natitirang porsiyento ng COVID beds?
Isa ang kakulangang ito sa malalaking hamon sa nanginginig nating healthcare system. At ang isa pa, ‘yung kakulangan natin sa mga doktor at nurse.
Sa isa pong pag-aaral ng University of the Philippines, lumalabas na sa bawat 10,000 Pinoy, may nakalaan lang na 3.7 doktor. Isipin po natin kung gaano tayo nakakaawa sa istadistikang ‘yan. Hindi natin lubos-maisip kung paanong aarugain ng iilang doktor ang libo-libo nating kababayan na nangangailangan ng atensiyong medikal.
Base po kasi sa itinatalagang ratio ng World Health Organization o WHO, dapat sa kada 10,000 katao, 10 doktor ang dapat na nakatutok. Dito po sa bansa natin, tanging dito lamang sa NCR natutupad ang doctor to patients ratio na ito. Sa mga karatig-lalawigan o rehiyon po, sadsad ang bahagdan ng mga doktor.
Katulad na lamang po sa Region IV-B – sa maniwala po kayo’t sa hindi, sa bawat 10,000 bahagi ng populasyon nila doon, 1.8 doktor lang ang mayroon sila. At kung sa tingin natin ay nakababahala na ang ratio na ito, magawi tayo sa BARMM o sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Sa kada 10,000 miyembro ng BARMM population, 0.8 porysento lang ng mga doktor ang mayroon sila. Paano kaya ang estadong pangkalusugan ng mga kababayan natin doon kung ganito ang sitwasyon?
At dito naman po sa datos na ipinalabas ng Health Human Resource Development Bureau ng Department of Health, lumalabas na mayroon naman pala tayong mahigit 800,000 medical professionals na rehistrado. Pero ang masakit, 189,000 lang sa kanila ang nasa serbisyo mapapubliko o pribadong health institutions.
Ito pong kakulangan natin sa medical professionals, tugmang-tugma rin sa kakulangan natin sa hospital beds.
Sa pananaliksik pa rin ng UP sa hospital bed to population ratio, lumalabas na mayroon lamang 6.1 hospital bed para sa bawat 10,000 Pinoy. At lamang na naman tayo rito sa NCR dahil mayroon tayong 13.5 hospital beds for every 10,000 population. Kung nagagawa naman sana ng pamahalaan na maiangat ang hospital bed ratio sa NCR, sana magawan din ng paraan ang ganitong sit-wasyon sa mga malalayong lugar lalo na sa mga kanayunan.
Sa Region IV-B, isang kama lang ang nakalaan para sa kada 10,000 katao. Nakapanlulumo, ‘di po ba? Ito pong mga problemang ito (kakulangan sa doktor, nurses at hospital beds) ang ilan sa mga dahilan kung bakit sumirit ang bilang ng mga COVID patient natin nitong mga nakaraang buwan.
Dalawang bagay ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan. Una, pagpaparami sa mga ating mga doktor at nurse, at pangalawa, pagpaparami sa hospital beds.
Ito po ang layunin natin sa isinusulong nating Senate Bill 1850 o ang Healthcare Facility Augmentation Act. Nais po nating magtatag o magpatayo ng ospital sa SUCs na may mga kursong medisina ang ating gobyerno. At hindi lang simpleng ospital – dapat bawat SUC hospital, may 50-bed capacity.
Sa ngayon po kasi, siyam lang sa mga SUCs natin ang may kursong medisina at 45 SUCs naman ang may BS nursing courses. Sana mas dumami pa ang mga SUC na magkaroon ng kursong medisina at nursing para mapunan ang mga kakulangan natin sa kanila.
Comments are closed.