MAY malakihang pagtaas na naman sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. na may dagdag na P1.30 sa presyo ng kada litro ng gasolina, P1.50 sa diesel at P1.45 sa kerosene.
Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.
Epektibo ang taas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Caltex na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga at Cleanfuel sa alas- 4:01 ng hapon sa kaparehong araw.
Ito na ang ika-7 sunod na linggo na nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng taas-presyo.
Noong nakaraang linggo, naging malaki rin ang dagdag sa presyo ng petrolyo, na naglaro sa P1.45 hanggang P2.05 kada litro.
Nauna nang sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi na walang magagawa ang pamahalaan sa pagmahal ng petrolyo dahil nakabase ang mga presyo nito sa presyo sa pandaigdigang merkado.
Sa datos mula sa Department of Energy (DOE), hanggang noong Oktubre 5, 2021 ay umabot na sa P16.55 kada litro ang itinaas ng presyo ng gasolina, P15.00 kada litro sa diesel, at P12.74 kada litro sa kerosene.
Comments are closed.