P10-M AYUDA SA MGA NAULILA NG 7 PULIS NA NAMATAY SA MARAWI

LANAO DEL SUR – NASA kabuuang P10,460,000.00  tulong pinansiyal ang ipinagkaloob ng pamahalaan sa pamilya ng pitong tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nagbuwis ng buhay  sa bakbakan sa lungsod ng Marawi.

Ayon sa datos ng PNP-Directorate for Personnel and Records Management (DPRM), sa pitong pulis na nasawi sa operasyon, tatlo dito ay galing sa Police Regional Office-Autonomous Region in Muslim Min­danao (PRO-ARMM), at apat sa Special Action Force commandos.

Ang pamilya nina Chief Insp. Fredie M. Solar, Police Inspector Edwin Placido, at PO1 Junaid Mama ng ARMM at SAF commandos na sina PO3 Alexis Mangaldan, PO1 Moises Kimayong, PO2 Alexis Laurente, at PO3 Daniel Tegwa ay tumanggap ng Presidential Social Fund – Special Financial Assistance na nagkakaha­laga ng P250,000 at iba pang benepisyo na katumbas ng P1.5 million.

Ang iba naman sa tulong na iginawad sa mga pulis ay galing sa Office of the Chief PNP, President Rodrigo Roa Duterte, One Philippines Foundation, Inc., at Regional Comptrollership Fund.

Naungkat ang isyu sa paggunita sa unang taon ng Marawi seige kung saan kabilang ang ilang pulis sa nasawi sa unang bugso ng engkuwentro laban sa mga sumalakay na Maute ISIS na nag-iwan ng mahigit 1,000 nasawi mula sa  sibilyan, sundalo at pulis. VERLIN RUIZ

Comments are closed.