PINAGMUMULTA ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang transport network company Grab Philippines ng P10 million dahil sa ‘overcharging’ sa mga pasahero nito.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) communications director Goddess Libiran, ang kautusan ay inaprubahan sa isang hearing kahapon.
Bukod dito, pinababalik din ng LTFRB sa Grab Philippines sa mga pasahero nito ang mga na-singil na P2 per minute waiting time charge.
Sa advisory ng ahensiya, sa pamamagitan ng rebates ay kailangang maibalik sa mga pasahe-ro ang mga nasingil na extra charge mula noong Hunyo 5, 2017 hanggang Abril 19, 2018.
Ang Grab ay magugunitang inakusahan ng paniningil ng P2 kada minuto gayong wala itong pahintulot ng LTFRB.
Ayon sa LTFRB, ilegal ang naturang extra charge ng Grab.
Dahil dito ay sinuspinde muna ng Grab ang nasabing dagdag-singil subalit umapela sila sa pamamagitan ng motion for reconsideration para maibalik ang P2 per minute charge.
Ang LTFRB ay inuulan ng reklamo dahil sa umano’y hindi maganda at mahal na serbisyo ng Grab.
Comments are closed.