(Iginiit ng transport group) P15 MINIMUM FARE SA TRADITIONAL JEEPNEYS

HINILING ng isang transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ilabas na ang desisyon nito sa petisyon na itaas ang minimum fare sa traditional jeepneys sa P15.

Ayon sa Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), ito ay dahil sa mga nakalipas na big-time oil price hike sa mga produktong petrolyo.

Sinabi ni ALTODAP president Boy Vargas na sinabihan na sila ng LTFRB na ‘subject for resolution’ na ang petisyon ngunit wala pa ring inilalabas na desisyon ang ahensiya.

Sa kasalukuyan, ang minimum fare sa mga traditional jeepney ay nasa P13.

Nangako naman si LTFRB spokesperson Celine Pialago na tutugon ito sa mga petisyon at ipinaliwanag na ang lahat ng mga ito ay dumadaan sa masusing pag-aaral.

“Lahat po ng fare hike, lagi pong pinapaalala ng LTFRB, na pinag-aaralan ito at sinusuri ng board. Makakaasa sila na makakatugon po dito ang LTFRB pero dadaan po ito ng napakamasusing pag-aaral at approval,” ani Pialago.

“But we will get back po ‘yung mga ating kaibigang tsuper regarding this,” dagdag pa niya.

Nito lamang Martes ay nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng P1.10 dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina, P1.55 sa diesel, at P1.40 sa kerosene. 

EVELYN GARCIA