SISIMULAN na sa second quarter ng 2020 ang Phase 1 ng P175-bilyong Philippine National Railways (PNR) South Long Haul project na mag-uugnay sa Calamba City sa Laguna at Legazpi City sa Albay.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, na nagpanukala at nagtulak sa proyekto noong ito ay gobernador pa sa Albay at chairman ng Bicol Regional Development Council, nakumpleto na ang ‘bidding’ sa 408-kilometrong proyekto ngayong buwan. Bahagi ito ng 639-km PNR Long Haul mula Manila hanggang Sorsogon, at bahagi rin ng PNR Luzon System program na tatakbo mula Clark sa Pampanga, hanggang Matnog sa Sorsogon.
“Sa wakas, ang PNR South Railways project na pinaghirapan nating balangkasin at magbubukas sa potensiyal na yaman sa Hilagang Katagalugan at Bikolandiya ay magkakatotoo na,” ani Salceda. Paiigsiin nito ang biyahe mula sa Manila hanggang Legazpi sa limang oras lamang mula sa kasalu-kuyang halos 12 oras. May siyam na pangunahing estasyon ito – Manila, Los Baños, Batangas City, Lucena, Gumaca, Naga City, Legazpi City, Sorsogon City at Matnog sa Sorsogon.
Ang PNR Luzon System ng Department of Transportation (DOTr) ay isa sa malalaking proyektong impraestruktura sa ilalim ng “Build Build Build program” ng administrasyong Duterte.
Popondohan ito sa ilalim ng Official Development Assistance Agreement (ODA) na nilagdaan kamakailan ng China at Filipinas.
Batay sa ulat ng DOTr, tatapusin agad ang ‘bidding documents’ para sa Phase 2-4 ng proyekto. Ang Phase 2 ay sasaklaw sa 117-km distansiya mula Legazpi City hanggang Matnog, Sorsogon. Ang Phase 3 ay mula Calamba hanggang Batangas na may layong 58-km, at ang Phase 4 ay mula sa Sucat, Parañaque City hanggang Calamba na 56-km lamang. Ang ‘Design and Tender Assistance Consultant’ ng proyekto ay ang China Railway Design Corporation, na lumagda na sa China EXIM Bank nitong nakaraang Agosto para sa puhunang gagamitin sa proyekto.
Ang PNR South Railways, ayon kay Salceda ay magsisilbing gulugod ng pagsulong at pag-unlad ng Southern Tagalog at Bicol na ang mga benepisyo ay matatamo rin ng iba pang rehiyon sa bansa. Pag-uugnay-ugnayin din nito ang ‘major airports at seaports’ sa Hilagang Luzon at Bikol.
Ang PNR Luzon System ay binubuo ng PNR North 1 (Manila – Malolos) na may pondong P10. 3 bilyon; PNR North 2 (Malolos-Clark), P211.4 bilyon; PNR South Railway Commuter (Manila-Los Baños), P124 bilyon; at PNR South Railways Long-haul (Manila-Sorsogon), P175 bilyon.
Comments are closed.