DOBLE ang selebrasyon sa magiging kampeon sa Chooks-to-Go MPBL Invitational na nakatakda sa Disyembre 11-23 matapos maglaan ng P2 milyon si Bounty Agro Ventures Inc. president Ronald Mascarinas.
Ipinahayag ni Mascarinas, sa pakikipagtulungan ni league founder Senator Manny Pacquiao, ang maagang pamasko sa mangungunang koponan sa liga sa isinagawang draw of lots para sa grupo ng mga kalahok Biyernes ng hapoon sa Crowne Plaza Hotel sa Ortigas, Pasig City.
“This is not just a simple re-start, we wanted our league to be at par with the best of the world,” pahayag ni Mascarinas, patungkol sa liga na papatnubayan ng FIBA International Basketball Federation rules.
Hindi rin uuwing luhaan sa Kapaskuhan ang runners-up nang ipahayag ni Mascarinas, kamakailan lamang ay kinilala sa business sector bilang isang makabuluhang lider, na tatanggap ang second placer ng P500,000 at ang third placer ng P250,000.
Pinasalamatan ni MPBL Commissioner Kenneth Duremdes ang kabutihan at kababaang-loob ni Mascarinas, gayundin ng Chooks-to-Go sa suportang ibinigay sa liga na pansamantalang naantala dahil sa COVID-19 pandemic,
Sinabi rin ni Duremdes na sa paggabay ni Mascarinas, gumugulong na ang pakikipag-ugnayan sa Games and Amusements Board (GAB) para maging isang lehitimong professional league ang MPBL.
“Nakikipag-ugnayan na kami sa GAB at nasa proseso na ang mga dokumento na isusumite namin,” ani Duremes.
Ikinalugod naman ito ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra at sinabing handa ang ahensiya na suportahan ang lahat ng pangagailangan ng MPBL para sa pagkakamit nito ng pro status.
‘We’re happy with their decision. Kami naman po sa GAB ay handang gumabay sa anumang kailangan para sa mas madaling pag-review sa mga kailangang dokumento. Hindi lang para sa liga bagkus para sa atleta ang kabutihan na maging isang pro league ang MPBL,” dagdag ni Mitra.
Bunsod ng malaking bilang ng mga kalahok, nagdesisyon si Duremdes na isagawa ang limang laro kada playing date na magsisimula sa alas-9 ng umaga umaga sa Mall of Asia Arena.
Maipalalabas ng live ang ilang laro sa elimination round.
Kabilang sa mga kalahok ang San Juan Knights at Jumbo Plastics-Basilan na top seed sa Group C at B, ayon sa pagkakasunod. Makakasama ng Go for Gold-backed Knights, ang Datu Cup champions, ang Marc Pingris-led Nueva Ecija Vanguards, Sarangani Marlins, Valenzuela at Muntinlupa.
Makakasama naman ng Basilan, kampeon sa first conference ng VisMin Super Cup, ang Laguna Krah Asia, Marikina Shoe City, Makati at Bicol.
Nasa Group A ang Caloocan Excellence, Pasig at Bacolod, Iloilo, at league newcomer Negros Muscovados, habang nasa Group D ang Manila Stars, Rizal Xentromall, Imus Bandera, GenSan Warriors, Mindoro EOG Sprots at Bulacan. EDWIN ROLLON