(P2-P3 kada kilo sa Benguet) REPOLYO BAGSAK-PRESYO

NAGLALARO na lamang sa P2 hanggang P3 kada kilo ang bentahan ng repolyo sa Benguet at Baguio.

Ayon kay Agot Balanoy, manager ng Benguet Farmers Cooperative, luging- lugi na  ang mga magsasaka dahil nasa P15 hanggang P17 kada kilo ang kanilang puhunan  para sa produksiyon ng repolyo.

Dagdag pa ni Balanoy, sobra- sobra ang suplay nito at naging maulan na naging sanhi ng mabilis na pag-mature ng pananim na ito.

Aniya,  nakikipag-ugnayan na ang Department of Agriculture(DA) ng Cordillera Administrative Region sa mga  magsasaka ng repolyo upang pag-aralan kung paano sila matutulungan   sa marketing para maibenta ang kanilang mga inani sa mga palengke, lalo na sa Metro Manila.

Sa kasalukuyan  ay  nagkalat umano ang  repolyo sa mga bangketa sa Tublay, Benguet dahil sa sobra-sobrang suplay kung saan ang ibang nabubulok ay itinatapon na lamang ng mga magsasaka matapos hindi na maibenta sa bagsak presyong P2 hanggang P3 kada kilo. Ang mga residente naman ay libreng kumuha na lamang ng mga presyong hindi na naibebenta.

Dismayado naman ang ilang nagtitinda sa Metro Manila sa napakababang halaga ng bentahan ng repolyo sa Benguet at Baguio na umaabot lamang sa P2 hanggang P3 kada kilo subalit mahal na pagpasa sa kanila sa palengke.

“Nakakadismaya, kasi ang kuhaan nila dun ay P3. Pagdating naman sa amin ipinapasa naman sa amin ng mahal. So, paano namin maibebenta ng mura sa mga buyer kung ang kuha naman namin ay mahal. So, iisipin ng mga tao na kaming mga retailer ang nagtataas ng presyo. Kaya sana kumilos naman ang gobyerno para naman matugunan ang mga ganitong problema,” sabi ni Merly Tumaniog, isang tindera.

Noong Pebrero ay bagsak din ang presyo ng carrot sa Benguet at Baguio sa P10 hanggang P15 kada kilo dahil sa pagbaha ng smuggled na gulay sa bansa. Malayo ito sa P150 kada kilo na bentahan ng carrot sa Metro Manila.                                                  

MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA