NAGPALABAS kahapon ang Department of Budget and Management (DBM) ng P4.85 billion na financial assistance para sa mga survivor ng bagyong Odette.
Ito ay kasunod ng pangako ni Presidente Rodrigo Duterte noong Lunes na magkakaloob siya ng P5,000 sa bawat pamilya na naapektuhan ng bagyo.
Ayon sa DBM, ang P4.85-billion na inilabas nito ay ipamamahagi local government units (LGUs) tulad ng mga sumusunod: Region IV-B – P198.21 million; Region VI – P1.63 billion; Region VII – P1.04 billion; Region VIII – P964.10 million; Region X – P156.02 million; at
Region XIII – P864.08 million.
“Affected persons and families are expected to receive assistance equivalent to P1,000 per individual and a maximum of P5,000 per household,” ayon sa DBM.
Dagdag ng ahensiya, kailangang agad na maipamahagi ng recipient LGUs ang cash aid sa kanilang mga constituent.
Ang pamamaraan ng pamamahagi ay mahigpit na babantayan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“The individual allocations of the respective cities and municipalities were computed based on the number of affected individuals/households, as recently reported by the DSWD,” ayon sa DBM.
Ang financial assistance ay direktang ipalalabas ng Bureau of the Treasury (BTr) sa mga kinauukulang LGUs sa pamamagitan ng kani-kanilang authorized government servicing banks.
“Upon receipt of the funds, the recipient LGUs are expected to fully disburse their allotment until December 31, 2022,” anang DBM.
“Otherwise, all unutilized funds after end-December next year will be reverted to the National Treasury by the concerned LGU,” dagdag pa nito.
Sa kabuuan, ang DBM ay nakapaglabas na ng P6.85 billion para tulungan ang typhoon-hit LGUs.