P5-B DAGDAG BUDGET SA DAR SA 2021

DAR

PINADARAGDAGAN nina Deputy Speaker LRay Villafuerte at Ang Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat ang pondo ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa 2021.

Sa ilalim ng 2021 national budget ay aabot lamang sa P8.8 billion  ang inaprubahang budget ceiling ng Department of Budget and Management (DBM) para sa DAR na mas mababa ng 7% sa PP9.1 billion na pondo ng ahensiya ngayong taon.

Umapela si Cabatbat na dagdagan pa ng P5 billion ang P8.8-B  na 2021 budget ng DAR upang maisakatuparan ang “Mega Farm Projects” ng ahensiya.

Ang konsepto ng proyektong ito ay para sa food self-sufficiency at security ng bansa, gayundin ang pagbibigay ng kabuhayan sa mga magsasaka.

Ipinunto ng kongresista na kadalasang nababatikos ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) dahil ipinamamahagi at hinahati-hati ang mga lupain pero hindi naman nakapagtatanim ang mga benepisyaryo dahil sa kakulangan ng suporta sa mga magsasaka.

Sinabi naman ni DAR Usec. Emily Padilla na P741.528 million ang alokasyon para sa support services sa mga magsasaka pero iginiit ni Negros Oriental Rep. Manuel Sagarbarria na hindi ito sapat para masuportahan ng mga magsasaka ang food security at produksiyon ng agricultural products sa bansa.

Ayon naman kay Villafuerte, dapat na madagdagan ng P3 billion hanggang P4 billion ang budget ng DAR dahil masyadong maliit ang budget ng ahensiya sa 2021 gayong napakalaki ng responsibilidad nito.

Samantala, aabot  sa 4.826 million hectares na lupain ang naipamahagi ng DAR sa 2.894 million agrarian reform benefi-cia­ries (ARB) mula 1972 hanggang ngayong 2020.          CONDE BATAC

Comments are closed.