P6.5-M MULTA SA GRAB

GRAB

PINAGMULTA ng Philippine Competition Commission (PCC) ng P6.5 million ang  ride-hailing firm Grab sa pagkabigong magsumite ng tama at sapat na data na kinakailangan para sa price monitoring.

Ayon kay PCC chairman Arsenio Balisacan, ang multa ay ipinataw noong Enero 22 makaraang magsumite ang Grab ng ‘defi-cient, inconsistent, and incorrect data’ sa Aug. 10-Nov. 10 period.

“We fined P6.5 million on Grab Philippines for submitting deficient, inconsistent, and incorrect data for the monitoring of its compliance with its voluntary commitments,” ani Balisacan.

Paliwanag ng PCC chairman, mahalaga ang nasabing mga dokumento para ma-monitor nila kung ipinatutupad ng Grab ang ipinangako nitong presyo ng pamasahe kasunod na rin ng pagbili nila sa prangkisa ng Uber.

Magugunitang ina­prubahan ng antitrust body ang pagbili ng Grab sa dati nitong kalaban na Uber noong Agosto makaraang mangako ito na titiyakin ang mas mababang cancellation rates at makatuwirang surge pricing. Sumang-ayon din ito na isasailalim ang sarili sa quarterly monitoring ng isang third party trustee.

Sinabi ni PCC Commissioner Amabelle Asuncion na nangako ang  Grab na magsusumite ng data sa pricing behavior matapos na makakuha sila ng clearance para sa merger nila ng Uber noong nakaraang taon.

“Based doon sa review ng ating third party monitor, kulang-kulang po kasi ‘yung mga nai-submit nilang data,” ani Asunscion.

Nabatid na bago pagkaloban ng clearance ang Grab hinggil sa kanilang merger ng Uber ay naglatag ang PCC ng pitong kondisyon at ang bawat paglabag ay ­maaaring mangahulugan ng pagmumulta ng ₱2 million.

Ang Grab ay may 15 araw para maghain ng motion for reconsideration.

Una nang pinagmulta ng PCC noong Oktubre 2018 ang Grab ng P12 million dahil sa paglabag umano nito sa ilang kondisyong ipinataw sa merger nila ng kakompetensiyang Uber. VERLIN RUIZ

Comments are closed.