NAGLAAN ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng P700 million para magkaloob ng agriculture-related courses sa mahigit 50,000 magsasaka at kanilang dependents na nakarehistro sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Ayon sa TESDA, may 56,654 benepisyaryo ang nakakumpleto ng mga kurso sa pamamagitan ng RCEF-Rice Extension Services Program (RESP) scholarship noong 2023.
“In line with the administration’s thrust to further strengthen the country’s agriculture sector, and ensuring our food sufficiency and security, TESDA is working closely with the Department of Agriculture and other agencies,” wika ni TESDA Secretary Suharto Mangudadatu.
Aniya, ginagawa ng TESDA ang kanilang parte sa pamamagitan ng pagkakaloob ng kinakailangang training at employment opportunities sa mga magsasaka para matulungan silang gumanda ang kanilang buhay at komunidad.
Bagama’t kahit sino ay maaaring mag-enroll sa TESDA courses, nilinaw ng Public Information and Assistance Division nito na ang P700-million budget ay partikular na nakalaan sa mga magsasaka na nakarehistro sa ilalim ng Registry System for the Basic Sectors in Agriculture ng DA.
Sa ilalim ng RCEF-RESP, ang mga magsasaka ay maaaring kumuha ng mga kurso tulad ng Farm Field School on Production of High-Quality Inbred Rice and Seed Certification and Farm Mechanization, Rice Machinery Operations, Drying and Milling Plant Servicing NC III, Agro-entrepreneurship NC II, Pest and Nutrients Management, at Digital Agriculture Course in the Farm Field School.
Inimbitahan ni Mangudadatu ang mga magsasaka na mag-enroll sa naturang mga kurso.
(PNA)