CAMP CRAME-PINURI ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa ang kaniyang mga tauhan partikular ang Drug Enforcement Group (DEG) sa pamumuno ni PBGen. Romeo Caramat, Jr. sa masigasig na anti-illegal drug operations na nagresulta ng pagkasamsam ng P8.395 bilyon halaga ng shabu sa loob lamang ng siyam na araw.
“I commend the recent string of successful anti-illegal drug operations of the PNP-DEG and the Police Regional Offices (PROs) that yielded P8.395 billion worth of illegal drugs in a span of 9 days,” ayon kay Gamboa.
Kasama sa pinuri para sa matagumpay na drug operations ang National Capital Region Police Office na mismong noong Hunyo 12, Independence Day ay may nasamsam na P18 milyon sa Caloocan City, Navotas, at Marikina City; Region 6; kasama na rin ang operasyon sa Parañaque City na nasa P244 milyon ang halaga ng shabu; Region 13, operasyon sa Butuan City at sa Region 4A kung saan may operasyon din sa Rizal at Cavite.
Habang sa Region 3 ay ang pagsalakay sa Marilao, Bulacan na nakarekober ng P5.1 billion halaga ng shabu; gayundin ang operasyon sa bayan ng Guiguinto na nakarekboer ng P1.8 milyong halaga ng shabu noong Hunyo 9.
Bago sa mga sunod-sunod na operasyon, noong Mayo 22 ay nagsanib ang NCRPO at ang PNP-DEG para sa matagumpay na raid kung saan nakakuha ng P81.6 milyon halaga ng droga sa Taguig City. EUNICE C.
Comments are closed.