IPINARE-REALIGN ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino ang multi-milyong resettlement program funds sa ilalim ng panukalang 2021 budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa bagong tatag na Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes kaugnay sa panukalang P243 bilyong budget ng ahensiya sa ilalim ng 2021 National Expenditure Program (NEP), iginiit ni Tolentino kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na ang P87.289 milyong alokasyon para sa Resettlement Government Assistance Fund (RGAF) ay may kinalaman sa pabahay at dapat itong ibigay bilang dagdag-pondo para sa kabubuo lamang na Housing Department.
Paliwanag ni Tolentino, hindi na kailangan ng DILG ang RGAF sapagkat mayroon ng ahensiyang pormal na nakatutok lamang sa pabahay at kalabisan na ang pagkakaroon ng nasabing pondo para sa ahensiya.
“Isn’t it the function of the NHA (National Housing Authority)?” tanong ni Tolentino kay Año.
Pinaboran naman ni Año ang panukala ni Tolentino, chairman ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, sa pag-realign ng pondo ng RGAF mula sa DILG patungong DHSUD, subalit iginiit ng kalihim na ang nasabing alokasyon ay hindi lamang para sa relokasyon, kundi para rin sa iba pang bagay na may kinalaman sa reporma sa pamamahala.
Samantala, giniit ni Tolentino sa budget hearing na dapat na ring mailipat mula DILG patungong DHSUD ang higit sa P10 milyong pondo para sa Muslim Resettlement Relocation Services Fund para sa mga napinsala ng digmaan sa Marawi City.
Ani Tolentino, nakabitin at nanganganib ngayon sa Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni DHSUD Secretary Eduardo Del Rosario dahil umano sa kawalan ng pondo at pormal na plano para sa pabahay. VICKY CERVALES
Comments are closed.