MAHIGIT sa P90-billion na kita ang nanganganib na mawala sa pamahalaan.
Ito ang babala ng National Economic Development Authority (NEDA) sakaling magtagal hanggang Hunyo ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon, tinatayang nasa 1.4 milyon ang mawawalang turista ngayong taon dahil sa COVID-19.
Aniya, ang Chinese visitors ay bumubuo sa 22% ng tourist arrivals sa Filipinas.
Nasa 30,000 hanggang 50,000 trabaho rin, aniya, ang nanganganib na mawala dahil sa epekto ng COVID-19 sa negosyo.
Samantala, ibinaba na ng NEDA ang target na paglago ng ekonomiya ng bansa para ngayong 2020 sa harap pa rin ng banta ng COVID-19.
Sinabi ni Edillon na inaasahan nila ang mula 5.5 hanggang 6.5 % gross domestic product (GDP) ngayong taon.
Mas mabagal ito sa naunang target na 6.5 hanggang 7.5% growth target.
Mahigit isang linggo na ang nakalilipas, sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno na kumpiyansa siya na makakamit ng bansa ang 6% GDP growth ngayong taon sa kabila ng banta ng COVID-19.
Comments are closed.