PAALALA NG US SA CLAIMANT COUNTRIES SA WPS: HUWAG GUMAMIT NG DAHAS

west philippine sea-3

NAG-ABISO ang Estados Unidos sa mga bansa na pawang umaangkin  sa teritoryo sa West Philippine Sea na huwag gumamit ng dahas at pananakot sa paggigiit sa kanilang mga teritoryo.

Ito ay bunsod ng hu­ling kaganapan kung saan sinalpok ng barko ng Tsina na Yuemaobinyu 42212 ang  Filipino fishing vessel na F/B Gimver 1 noong Hunyo 9 at  22 Filipinong mangingisda ang naiwang palutang-lutang sa karagatan sa Recto Bank na sakop ng West Philippine Sea.

Nabatid na malaking pagpapasalamat ng Embahada ng Estados Unidos, na walang nasaktan sa  22 Filipinong mangingisda sakay ng fishing vessel at naisalba sila nang maayos ng mga  Vietnamese fishermen sa karagatang sakop ng Recto Bank o Reed bank.

Matatandaang suportado ng Estados Unidos ang inilabas na United Nations Arbital Tribunal noong 2016 kung saan ibinasura ang pagkuha ng Tsina sa malaking bahagi ng South China Sea o West Philippine Sea sa ilalim ng kanilang 9 dash line.

Samantala, pinasinungalingan ng ilang eks­perto ang pahayag ng China na kinuyog umano ng pito hanggang walong bangka ng mga Filipino ang kanilang barko sa Recto Bank kaya napilitan umano silang umatras at iwan ang binangga nilang fishing vessel na lulan ang mga Filipino fishermen.

Sinabi ni Professor Jay Batongbacal, direktor ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea na kung pagbabasehan ang kuha ng satellite images, malinaw aniyang makikita sa Visible Infrared Imaging Radiometer Suite o VIIRS data na noong mangyari ang insidente, kaunti lamang ang mga bangkang pangisda na naglalayag sa lugar.

Kapansin-pansin din aniya sa satellite footages na hiwa-hiwalay ang mga bangka sa malawak na bahagi ng Recto Bank.

Pinakamalapit aniya na mga bangka sa isa’t isa ay nasa layong 3 hanggang 5 milya o 7 hanggang 9 na kilometro.

Ito ang dahilan kung bakit kinuwestiyon ngayon ni Batongbacal ang paha­yag ng China na diumano’y kinuyog daw ng mga bangka ng mga Filipinong mangingisda ang barko ng China.                 DWIZ882